Pisikalan ng Barretto sisters sa burol ng ama mauuwi sa demandahan?

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 09:40 PM | Updated as of Oct 18 2019 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Posibleng mauwi pa sa demandahan ang naging engkuwentro sa pagitan ng magkakapatid na Barretto na nangyari mismo habang nakaburol ang kanilang ama.

Noong Huwebes ng gabi ay isinugod sa ospital si Claudine matapos umanong makasakitan ang kapatid na si Marjorie at pamangkin na si Julia.

Ayon sa kampo ni Claudine, nagtamo ito ng mga sugat sa kamay, paa, at nahilo rin matapos daw makasagupa ang mag-inang Marjorie at Julia.

Inendorso na sa medico-legal ang nangyari kay Claudine para maging basehan umano ng kasong maaaring isampa nito.

Tumanggi naman ang handler ni Julia sa Star Magic na magbigay ng pahayag bilang respeto sa yumaong Barretto patriarch.
    
GRETA MAGSASAMPAN NG KASO?

Samantala, inihahanda naman ni Gretchen ang kaso laban sa isang pamangkin na may dala umanong baril at pinagbantaan umano siya.

Maaalalang noong Miyerkoles ay nagkaroon ng eksena sa burol nang dumalaw si Gretchen na nataon sa pagbisita rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

MARJORIE MAY PASABOG

Samantala, naglabas na ng pahayag si Marjorie sa pamamagitan ng Instagram post kung saan nangako siyang isisiwalat ang buong katotohanan ukol sa nangyayaring bangayan.

"May I request everyone to allow our family to grieve, it's our last day with our father today. Please hold your judgement and opinions until he is laid to rest,then we will for the first time speak the whole truth and nothing but the truth," sabi ni Marjorie.

Sinabi din niyang malalagay sa peligro ang kanilang buhay dahil "makapangyarihan" daw ang nobyo ni Gretchen.

Hindi nagtagal at bumuwelta agad si Gretchen sa kaniyang Instagram kung saan ipinakita niya kung paano daw siya kinuyog sa lamay ng ama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.