Baron Geisler, arestado matapos magwala umano sa restobar

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 03:32 AM | Updated as of Oct 18 2017 01:19 AM

Arestado ang aktor na si Baron Geisler matapos umanong magwala sa isang restobar sa Tomas Morato, Quezon City Lunes ng gabi.

Bandang alas-9 ng gabi nang mag-isang pumasok ang aktor sa restobar, sa kabila ng ban ng management ng establisimento.

Ayon sa pulisya, matapos makainom at maging "medyo unruly" ni Geisler ay pinabantayan na siya ng management sa gwardiya -- bagay na hindi nagustuhan ng aktor.

Ayon kay Supt. Christian dela Cruz, hepe ng Kamuning police station, tinulak umano ni Geisler ang guwardiya at pinagmumura. Nagtayuan ang lahat ng mga customer at nagtakbuhan.

Agad na tumawag ng pulis ang management.

Bagamat aminadong nakainom, itinanggi ni Geisler na nanggulo siya sa restobar, at mapapatunayan umano ito ng CCTV footage.

Sinusubukan pa ng ABS-CBN News makakuha ng kopya ng CCTV footage.

Sa presinto, nang kwestyunin ni Geisler ang pagdampot sa kanya ng mga pulis, nakuha sa video ang pag-init ng ulo ng aktor.

Kakasuhan si Geisler ng unjust vexation at alarm and scandal.

Naka-detine siya ngayon sa Kamuning police station. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang restobar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.