Gabby Concepcion, siniguradong tuloy na ang reunion movie nila ni Sharon Cuneta

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 11:39 AM | Updated as of Oct 15 2019 11:44 AM

MAYNILA -- Kasunod nang maayos na pag-uusap nila Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa isang event, masayang ibinalita ng aktor na posible nang matuloy ang inaabangang reunion movie project ng dating mag-asawa.

"Okay na, nakapag-usap na kami, positive naman," kuwento ng aktor sa naganap na launch ng Beautèderm kung saan isa siya sa mga bagong brand ambassador.

"Hinihintay na lang namin na matapos ang mga shows niya."

Ayon pa sa aktor, matagal na niyang nais na tapusin ang gusot sa pagitan nila ni Sharon pero hindi lang nagkakaroon ng tamang pagkakataon.

"Noong araw ko pa naman na ginigusto kong maging okay na kami. Nagkakaroon lang ng misunderstanding, misinterpretations, mixed emotions, different feelings, pasok dito (left ear), labas dito (right ear). Pero ngayon, nakapag-usap na kami ng kami lang dalawa, wala ng iba, kaya nabuo ang plano namin at sana matuloy," paliwanag ni Gabby.

At sa pagkakatuloy ng kanilang proyekto, sila na daw mismo ni Sharon ang tatayong producer ng kanilang pelikula.

"Pero, of course, kailangan rin namin ng ibang producers, para everybody happy, magkakatulungan. Hindi mo naman pwede solohin so magkakaroon ng major producers," aniya.

Umaasa rin ang aktor na mayroon silang magandang materyal na maibahagi para sa kanilang mga fans na nasasabik silang makitang muli sa isang proyekto.

"We really, really need a good story, so if everybody has a really good story out there, it should be something out of the box, kakaiba," ani Gabby.

Huling nagsama sina Sharon at Gabby sa pelikulang "Tayong Dalawa" noong 1992.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.