Bida ng 'Starla' na si Jana Agoncillo, ibinahagi ang kanyang hiling

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 06:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi lang pansariling kapakanan kundi para rin sa ibang tao ang hiling ng batang aktres na si Jana Agoncillo, na mas kilala ngayon bilang bida ng seryeng "Starla."

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, sinagot ni Jana ang tanong kung ano ang kanyang hihilingin sa isang wishing star para sa sarili at maging sa kanyang magulang. 

"Para sa akin po, sana paglaki ko ay maging astronaut ako. 'Yung kay mommy ko at sa kapatid ko, sana ay humaba pa ang buhay nila hanggang kunwari po ay 50 na ako, sila buhay pa rin," aniya.

"Tapos sa buong mundo, sana lahat ng tao ay maging masaya. Like wala pong mag-aaway at mag-iintindihan lang po, ganun. At always think positive," dagdag na hiling ni Jana.

Matatandaang huling bumida si Jana sa seryeng "Ningning" kung saan kasama niya sina Beauty Gonzalez at Ketchup Eusebio.

Ayon kay Jana, masaya siya sa muli niyang pagbabalik sa serye.

"Masaya at mayroon po ulit akong bagong show. At siyempre makikilala nila po ako ulit na, 'uy si Ningning 'yon, si Starla na siya ngayon.' Masaya po ako,'" aniya.

Sa "Starla," kasama ni Jana bilang bida ang aktres na si Judy Ann Santos.

Mapapanood ang "Starla" mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.