Iza Calzado at nobyo, may 'pagtatalo' bago na-engage

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 08:36 PM

Hindi napigilan ng aktres na si Iza Calzado na maluha sa wedding proposal ng kaniyang nobyong si Ben Wintle nitong Linggo, Oktubre 8.

Sa paboritong lugar ng magkasintahan sa Tagaytay nangyari ang engagement.

Akala ni Iza, simpleng salo-salo lamang ang okasyon kasama ang pamilya at ilang kaibigan.

Pero hindi inaasahan ng aktres na yayayain na pala siyang humarap sa dambana ng kaniyang nobyo sa nakalipas na limang taon.

Pabiro pang kinagat at ininspeksiyon ni Iza kung totoo nga ba ang singing na ibinigay ni Ben bago ito suotin.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ikinuwento ni Ben na nagkaroon pa sila ni Iza ng pagtatalo bago ang kaniyang proposal.

Pinagtalunan pa raw kasi nila ni Iza kung ano'ng isusuot ni Ben dahil gusto ng aktres na mag-colored shirt ang nobyo.

Pero nagpilit si Ben sa kaniyang white button-down polo dahil iyon ang gusto niya na suot kapag nag-propose sa nobya.

Naibahagi naman ni Iza na may personal na kahulugan sa kaniya ang lugar na pinangyarihan ng engagement.

Doon niya kasi huling nakasama ang pumanaw na ama bago magkasakit.

Pinaplano pa kung sa Pilipinas o sa ibang bansa sa Asya idaraos ang kasal nina Iza at Ben sa susunod na taon.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.