Karakter ni John Lloyd Cruz sa 'Culion' mahalaga: producer

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 03:35 PM | Updated as of Oct 01 2019 08:18 PM

Lumabas si John Lloyd Cruz sa dulo ng trailer ng pelikulang "Culion." Screenshot/Facebook: CulionFilm

Mahalaga ang karakter na gagampanan ni John Lloyd Cruz sa takbo ng kuwento ng pelikulang "Culion," ang pagbabalik ng aktor sa big screen matapos ang 2 taon.

Ayon sa producer ng pelikula na si Shandii Bacolod, bagaman special participation lang si Cruz, napakahalaga ng karakter na gagampanan ng aktor.

Ayon kay Bacolod, nakatrabaho na niya noon si Cruz at nilakasan lang niya ang kaniyang loob na tanungin ang aktor kung gusto ba nitong maging bahagi ng pelikula.

Watch more in iWant or TFC.tv

Marami ang nasorpresa nang biglang lumitaw si Cruz sa dulo ng teaser trailer ng "Culion," na inilabas noong Lunes.

Huling lumabas si Cruz sa pelikulang "Finally Found Someone" noong 2017.

Nag-anunsiyo si Cruz noong parehong taon na magli-leave muna siya sa show business dahil sa mga personal na bagay.

Susundan ng "Culion," na dinirek ni Alvin Yapan at sinulat ni Ricky Lee, ang kuwento ng mga taong may ketong noong 1940s.

Tampok sa pelikula sina Iza Calzado, Meryll Soriano, Joem Bascon, at Jasmine Curtis Smith.

Target na mapabilang ang pelikula sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.