Sharon, Gabby, itinangging nagkagirian muli sila

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng haka-hakang may girian sa pagitan nila, ipinagkibit-balikat lamang nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, dating magkatambal sa tunay na buhay at sa pelikula, ang bali-balitang hindi sila nagkakasundo. 

Kasunod ito ng hindi nila pagpapakita nang magkasabay sa stage sa Gabay Guro concert sa Mall of Asia Arena nitong Linggo. 

Bagaman hindi pa natutuloy ang kanilang nakaambang movie reunion project, iginiit ni Concepcion na gusto niya pa ring makatrabaho si Cuneta. 

"Sana matuloy, marami lang tinatahi. Timing is everything, we're not talking right not now but we will do as soon as we get things together," aniya. 

Hindi rin masyadong pinagtuunan ng atensiyon ni Concepcion ang isyu na may alitan pa sila ni Cuneta. 

Sinagot naman ni Cuneta ang mga usapang nagkakagirian sila ni Concepcion, lalo na't inaasahan ng ilan na sabay silang magtatanghal. 

Giit niya, nasa concert siya para sa pagmamahal sa mga guro. 

"I am very honored and proud kasi laking titser ako and close ako sa kanila from grade school," aniya. 

Tinatapos ni Concepcion ang kaniyang Metro Manila film fest entry na "Man and Wife" kung saan makakasama niya si Jodi Sta. Maria. 

Puspusan naman ang rehearsals ni Cuneta para sa kaniyang 40th showbiz anniversary concert sa Araneta Coliseum sa Biyernes. 

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.