Maymay at Edward, hindi inasahan ang pagsabak sa concert

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 03:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado ang tambalan nina Maymay Entrata at Edward Barber na hindi nila inaasahan na sasabak sila sa isang concert.

Bibida ang dalawa sa "M.E. and U" concert na gaganapin sa Setyembre 27 sa New Frontier Theater. 

"Actually noong pumasok ako sa 'PBB,' alam ng buong production ng 'PBB' ito, sinabi ko sa kanila, 'Ayaw kong kumanta, ayaw kong sumayaw. Kung kailangan kong kumanta at sumayaw, hindi na ako papasok sa Bahay ni Kuya.' Ngayon, may concert na kami. So 'yun, hindi ko akalain na mangyayari ito sa buhay ko," ani Edward sa pagbisita nila ni Maymay sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes.

"Hindi, hindi ko po inaasahan ito," dagdag ni Maymay. "Ngayon, unti-unti akong naniniwala sa kung ano ang mayroon ako at naa-appreciate ko na 'yon dahil sa kanila, dahil sa sumusuporta."

Sa ngayon ay todo ang paghahanda ng dalawa para sa kanilang concert na alay nila sa kanilang mga tagahanga.

Samantala, masaya ang MayWard love team sa mga pangarap na unti-unti na nilang natutupad.

Maliban sa sasakyan ay nakapundar na si Maymay ng bahay sa Camiguin. Nabigyan na rin ng aktres ang kanyang ina ng isang bahay sa Japan.

"'Yung sa Camiguin patapos pa lang. ['Yung sa Japan] kami pong dalawa ng kuya ko roon, pero hindi pa fully paid, nasimulan ko na," pagbahagi ng aktres.

Dagdag niya: "Kasi 'yung mama ko, alam niyo po 'yon, nakita niya 'yung bahay [sa Japan at] naiyak siya. Kasi parang 28 years na siya sa Japan tapos nagre-rent pa rin sila, tapos sobrang mahal ng renta doon. Ngayon naiiyak siya kasi may sariling bahay na siya at hindi niya akalain na magkakabahay pa siya."

Si Edward naman at ang kanyang pamilya ay balak nang ayusin ang bahay nila sa La Union.

"'Yun lang gusto kong unahin sa lahat, 'yung family ko, na everything is okay with them," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.