Mga pelikula sa 'PPP 2019' kumita na nang lagpas P100-M

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tunay na bumida ang mga pelikulang Pinoy sa pagpapatuloy ng Pista ng Pelikulang Pilipino 2019 (PPP) na matatapos sa Huwebes. 

Umarangkada ang PPP noong Setyembre 13 at ayon kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair Liza Diño, pumalo na sa P105 milyon ang kinita ng 10 pelikulang kalahok sa naturang film festival.

Nanguna na rito ang "The Panti Sisters" na kumita na ng mahigit P60 milyon sa unang 4 na araw ng PPP 2019.

Laking pasasalamat naman ng mga bida sa tagumpay ng kanilang pelikula.

"Hindi ko lubos inakala na aabot ako sa ganito, ngayong nandito na kami para akong nasa cloud nine," sabi ng aktor na si Christian Bables.

Bonus naman kay Martin del Rosario na siya ang nanalong best actor sa film fest.

"Ako rin hindi ko ine-expect ang ganitong suporta kaya naman grabe 'yung appreciation ko sa lahat ng nanood," ani Del Rosario.
    
Top 2 ang "Open" nina Arci Muñoz at JC Santos at top 3 naman ang "Cuddle Weather" nina Sue Ramirez at RK Bagatsing.

"Masaya kasi maraming naka-relate, nag-i-ignite siya ng discussions. Nagti-trigger siya ng mga tao," sabi ni Santos.

"It's really a surprise for us that a lot of people can relate du'n sa story... So far wala pa naman akong nakitang pangit na review," ayon naman kay Muñoz.

Sa Huwebes na ang huling araw na mapapanood ang 10 kalahok na pelikula ng PPP. —Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.