Eric Fructuoso, malaki ang pasasalamat sa 'Kadenang Ginto'

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 12:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Malaki ang pasasalamat ng aktor na si Eric Fructuoso sa pagiging parte ng sikat na serye na "Kadenang Ginto."

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, nagpasalamat si Eric sa mga biyaya at tulong na naibibigay ng bagong serye sa kanyang pamilya.

"Ang sabi ng mga anak ko kapag may binibili ako sa kanila o pagkatapos naming kumain, 'Thank you, Daddy.' Sabi ko, 'Huwag kayong mag-thank you sa akin... Mag-thank you kayo sa mga taong nanonood ng 'Kadenang Ginto.' Kasi kung hindi dahil sa kanila ay wala yan,'" aniya.

"Sabi ko, 'Mag-thank you kayo kay Lord at mag-thank you kayo sa kanila (manonood) kasi sila ang reason kung bakit mayroon tayo niyan,'" dagdag ng aktor. "Kaya thank you sa lahat. Kung alam niyo lang 'yung totoong appreciation, 'yung nararamdaman ko, sobrang thank you."

Sa "Kadenang Ginto," ginagampanan ni Eric ang kontrabidang karakter na si Alvin Mangubat.
 
Naniniwala si Eric na ang magandang samahan ng mga artista at mga tao na nasa likod ng kamera ang susi sa tagumpay ng kanilang serye.

"Actually for a time hindi ko alam kung gaano na kalaki ang show. Kasi after taping, diretso na ako sa bahay. So hindi ako aware sa nangyayari until nung napalabas ko, nakurot [ako] nang masakit, sinisisi bakit at huwag ko raw awayin si ganito at ganyan. Malaki na pala, siya hindi ko alam," kuwento niya.

"And you know the show's [success] is because lahat, 'yung buong staff, 'yung mga artista ay pantay-pantay. Equal respect. Kaya siguro naging successful."

Pag-amin ni Eric, dahil sa masaya nilang samahan sa serye, minsan ay nahihirapan na rin silang kunan ang ibang eksena.

"Noong una masarap dahil kontrabida, di ba? Pero pagtagal-tagal, noong mas naging close na kayo, ang hirap na tingnan sa mukha nang seryoso, umiiwas na lang ako ng tingin. Ang hirap pigilin ng tawa talaga," aniya.

Napapanood ang "Kadenang Ginto" mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "It's Showtime."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.