Netizens kinilig sa pagsasama nina Jolina, Marvin sa ABS-CBN Ball

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2019 03:23 PM | Updated as of Sep 16 2019 04:50 PM

Si Marvin Agustin at Jolina Magdangal sa red carpet ng ABS-CBN Ball noong Sabado.

Mistulang throwback ang pagsasama nina Marvin Agustin at Jolina Magdangal sa red carpet ng ABS-CBN Ball noong Sabado.

Maraming netizens ang natuwa at kinilig sa retrato ng dalawa, na isa sa mga pinaka-iconic na tambalan noong dekada 90s.

Akma sa tema ng okasyon na "Modern Filipiniana," isang red terno ang suot ni Magdangal habang barong naman ang kay Agustin.

Noong nakaraang buwan, ibinunyag ni Magdangal na hindi muna matutuloy ang kanilang reunion movie ni Agustin, na nakatakda sanang isali sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ipinaliwanag ni Magdangal na hindi umabot ang script para sa MMFF. Sinabi rin ng aktres na nauunawaan niya ang pagkaantala sa proyekto.

Posible raw na sa susunod na taon matuloy ang reunion movie ng tambalan.

Kabilang sa proyektong pinagsamahan ng dalawa ang pelikulang "Labs Kita... Okey Ka Lang?" at "Flames: The Movie," at ang seryeng "Gimik."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.