Talambuhay ni Klaudia Koronel, ipalalabas sa 'MMK'?

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 04:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Balik-Pilipinas ang dating top sex symbol na si Klaudia Koronel para isapinal ang pagsasatelebisyon ng makulay niyang buhay.

Halos isang dekada na sa Amerika si Klaudia na namayagpag noong late 90s at early 2000s.

Choice niya sina Angel Locsin o Julia Montes na bumida sa kanyang talambuhay na gusto niyang ipalabas sa "Maalaala Mo Kaya."
 
"Ang narinig ko parang gagawin nila 'yung buhay ko. Ewan ko kung kaya kasi maikli lang ang panahon ko rito. Mayroong plano, ang worry ko lang ay saglit lang ako rito," ani Klaudia na inaming nami-miss niya ang showbiz.

"Ang nagugustuhan ko, sabi nila hawig ko si Julia Montes, sabi nila hawig ko 'yon. Pero ang totoo gusto ko the way she acts. Si Darna, si Angel Locsin at 'yang bago ngayon Liza Soberano," ani Klaudia.

"Pareho ko silang gusto pero parang ang bagay sa akin si Angel Locsin, kasi magaling, matapang, sexy. Noon sexy ako. Pero sa face I think si Julia Montes, medyo hawig." 

Matatandaang galing sa hirap si Klaudia sa Zamboanga del Sur at dumanas umano ng child abuse sa kanyang ama.

Nadiskubre siyang movie star nang mamasukan siyang waitress nung 1997 at bumida sa mga bold movies tulad ng "Pisil," "Kesong Puti," "Anakan Mo Ako" at "Kapitan Ambo: Outside de Kulambo."

Tinanghal siyang best supporting actress para sa kontrobersyal na pelikulang "Live Show" noong 2000.

Huli siyang napanood sa ABS-CBN sa "Kapitan Inggo" at "Mga Anghel Na Walang Langit" 2006-2007. 

Nagtatrabaho sa isang home care facility si Klaudia sa Los Angeles.