Dennis Padilla, pabor bang ligawan ni Gerald ang anak na si Julia?

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 06:16 PM

MAYNILA -- Tila hindi pa rin nakakatanggap ng sagot ang komedyante na si Dennis Padilla mula sa aktor na si Gerald Anderson.

Kasunod ito nang tila naging panawagan ni Dennis sa panayam nito sa "Tonight With Boy Abunda" kung saan hiling niya na makausap sana ang Kapamilya actor.

"Wala pa. Nagtataka nga ako bakit ang tagal e," tugon ni Dennis sa panayam sa premiere night ng "Sanggano, Sanggago't Sangwapo" nitong Lunes ng gabi.

Kuwento pa ng komedyante, wala siyang nararamdaman na galit para sa aktor kasunod nang pagkakadawit ng kanyang anak sa naging hiwalayan nina Gerald at Bea Alonzo.

Pero ayon kay Dennis, isa lang din ang naging hiling niya kay Gerald. "Kailangan i-respeto niya ako 'di lang dahil tatay ako ni Julia, kung 'di dahil mas senior akong artista sa kanya and I deserved it. Sperm pa lang siya, artista na ako," sagot ng komedyante.

At bilang tatay, naitanong din kay Dennis kung pabor ba siya kung sakaling ligawan nga ni Gerald ang kanyang anak na si Julia.

"Tatanungin ko muna si Julia kung ano ang magiging reply. Ngayon kung ano ang magiging reply ni Julia, susuportahan ko 'yun," sabi pa niya.

Inamin din ni Dennis na mas hinahabaan pa niya ang kanyang pasensya sa mga batikos na ibinabato sa kanyang anak.

"Minsan nakakapikon lang din 'yung ibang tao na akala mo narinig nila ang 'yung pag-uusap nila nung artista. Minsan 'yung opinyon nila dapat ka ba namin pakinggan e wala naman sila doon," aniya

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.