'There's no excuse': Teacher Georcelle may payo sa GirlTrends

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 03:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi naiwasang magkomento ng batikang choreographer at G-Force founder na si Georcelle Dapat-Sy sa nag-viral na video ng grupong GirlTrends o GT. 

Kamakailan ay pinagpiyestahan sa internet ang video ng GT kung saan kitang kita ang hindi nila pagsasabay-sabay sa pagsayaw. 

 

Ani Teacher Georcelle, nalungkot siya nang makita ang video lalo pa't nangyari ang pagtatanghal sa noontime show na "It's Showtime" na marami ang nakapanood. 

"Someone showed me the video. Actually nakakalungkot dahil may reason malamang kung bakit nangyari 'yon. But again, they performed on TV and that's not an excuse. You said yes to a project dapat ibigay mo 'yung all," sabi niya.

Sinabi ng tanyag na choreographer na maaaring busy ang mga miyembro nito lalo't kaliwa't kanan ang kanilang mga proyekto. 

"But on the other hand, we know how these artists work. When you're 'hot' ang dami mong projects na sunod-sunod... Ang GT are not honed to be professional dancers."

Sa kabila nito, hindi pa rin daw ito katanggap-tanggap dahil binigyan ang GT ng oportunidad na mag-perform kaya't dapat itodo nila ang bawat pagtatanghal.

"I think nagkulang lang sa time management, so pagating ng ensayo nagkukulang. So ang sa akin, time management. And when you commit, i-full out na... Dito sa pagkakataon na binibigay ng 'Showtime' kailangan nilang paghusayan," ani Teacher Georcelle. 

Ang mga puna ng netizens ay dapat daw gamitin ng grupo bilang motibasyon upang lalo pang galingan sa mga susunod na proyekto.

"With right preparation, ample time, siyempre mas magiging okay... It's a process. Surrender lang 'yan... From that experience dapat matuto na. Kasi you are performers and it's not an excuse. You cannot explain that to the audience," aniya.

Excited na daw si Teacher Georcelle na matunghayan ang "pagbabalik" ng GT matapos ang kanilang viral performace.

"We're excited. Ako, gusto ko makita 'yung next performance nila after this viral video... 'Yung mga ganong pagkakamali sa buhay dapat talaga ginagamit natin as motivation," payo niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.