'Wala akong inahas': Julia itinangging nakarelasyon si Gerald

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 08:06 PM | Updated as of Aug 23 2019 12:49 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinanggi ni Julia Barretto na nakarelasyon niya o niligawan siya ng "Between Maybes" co-star na si Gerald Anderson kasunod ng pagkakadawit sa kaniya sa hiwalayan ng aktor at ng nobya nitong si Bea Alonzo.

"Hindi ko siya naging boyfriend and hindi ko siya boyfriend ngayon. Therefore, wala akong inagawan ng boyfriend, wala akong inahas at wala rin akong nilandi," ani Barretto sa panayam ng ABS-CBN News ngayong Huwebes.

Ito ang unang pagkakataong personal na nagsalita si Barretto ukol sa isyu.

"Hindi ako nililigawan. Naniniwala ako na may tamang panahon at oras para sa mga bagay na ganyan," dagdag niya.

Pero iginiit ni Barretto na nananatiling "matalik na kaibigan" si Anderson.

Itinanggi rin ni Barretto na si Anderson ang dahilan ng hiwalayan nila ng dating katambal at nobyong si Joshua Garcia.

"Walang naging dahilan ng breakup namin ni Joshua," ani Barretto.

Muling sinabi ni Barretto na walang third party sa hiwalayan nila ni Garcia at sa halip, mutual o pareho nilang napagdesisyunang itigil ang relasyon.

"I think the decision that we made was a mutual decision because we knew 'yon 'yong makakabuti sa isa't isa. At the end of the day, pinili namin 'yong makakabuti sa isa't isa," ani Barretto.

"So ayaw na namin i-damage 'yong isa't isa. So we protected each other because there is love," dagdag niya.

Ayon kay Barretto, sa ngayon ay nasa proseso siya ng "healing" at pag-"move on" sa mga nangyari.

"I'm really in so much pain right now but kailangan magpakatatag eh," aniya.

Lumutang ang isyu ng hiwalayan nina Alonzo at Anderson noong nakaraang buwan kasunod ng isang Instagram post ng aktres.

Nauna nang sabihin ni Anderson sa panayam na walang kinalaman si Barretto sa hiwalayan nila ni Alonzo.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.