'It's all worth it': Direk Cathy, nagpasalamat sa tagumpay ng 'Hello, Love, Goodbye'

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2019 07:43 PM

Si Cathy Garcia-Molina ang direktor ng box office hit na "Hello, Love, Goodbye" na pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

MANILA -- Labis na pasasalamat ang ipinaabot ng direktor na si Cathy Garcia-Molina sa naging tagumpay ng "Hello, Love, Goodbye."

Sa kasalukuyan, sumampa na sa mahigit P700 milyon ang kinita ng pelikulang pinagbibidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.

Ayon kay direk Cathy, hindi niya inakala na magiging mainit ang pagtanggap sa kanyang bagong proyekto.

"We wished na sana tanggapin, pero hindi namin inaasahan 'yung ganito kalakas na pagtanggap. And 'yun pa lang, wow. 'Yung gamble mo, 'yung risk na ti-nake mo, it's all worth it," tugon ng direktor sa panayam ng ABS-CBN News.

Dahil sa naging tagumpay ng bagong tambalan nina Alden at Kathryn, naniniwala ang direktor na bukas na ang isipan ng Pilipino sa mga bagong konsepto sa pelikula.

"Ngayon, parang mas nakakatuwa kasi puwede ka na pala talagang mag-mix and match. Mas puwede ka nang mag-eksperimento kasi mas open na ang public e. Mas open na ang audience natin to new things, new combinations, new stories, medyo a little bolder storytelling. So its a good thing for the industry," aniya.

Kasunod ng tagumpay ng proyekto, hindi isinasara ni direk Cathy ang posibilidad na pagkakaroon ng sequel ng "Hello, Love, Goodbye."

"Why not? I mean, anything is possible ngayon. Kung 'yung 'One More Chance' nga nagawan, 'yung 'A Very Special Love' nagawan din, so who knows? Maybe pagbalik ko na or iba na ang magdi-direct," aniya.

Samantala, hindi rin nawawala sa plano ng direktor ang personal na pagbisita muli sa Hong Kong para mapasalamatan ang mga Pilipino na bahagi ng tagumpay ng "Hello, Love, Goodbye."

"Nag-uusap-usap, we all wanted to para din mapasalamatan 'yung staff and crew who helped us there. Kaya lang, parang hindi talaga conducive ngayon na puntahan ang Hong Kong. We have that fear always. As much as takot tayo ngayon para sa locals natin na andoon, parang ayaw na nating dagdagan pa. But yes, meron, nasa plano pa din," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.