Ex Battalion, hiling ang closure kay Ai Ai Delas Alas

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 03:24 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by AIAI DELAS ALAS (@msaiaidelasalas) on


MAYNILA -- Hindi itinanggi ng Pinoy hip-hop group na Ex Battalion na hindi pa din nila nakakausap nang personal ang dating business manager na si Ai Ai Delas Alas.

Matatandaan na kamakailan lang, inanunsyo ni ni Ai Ai ang kanyang pagbibitiw bilang manager ng grupo.

"Sa totoo lang po, hindi niya kami kinakusap ngayon and naka-block kami sa lahat ng social media account niya," sabi ng mga miyembro ng grupo sa thanksgiving party ng Frontrow nitong Linggo.

"Wala na kami narinig from her and nagulat na lang kami na nagpa-press conference siya."

Ayon pa sa mga miyembro ng Ex Battalion, wala pa din silang pagkakataon para makausap nila ang dati nilang manager.

"Kaya din po namin nalaman na naka-block na kami kasi nung napanood po namin 'yung press-con na 'yun, gusto sana namin siya i-message kasi hindi namin siya nakakausap personally. Tapos noong gusto na namin siya i-message naka-block na ako tapos sila din, kaya wala na po kami nakausap," sabi pa nila.

Aminado din ang grupo na mayroon din silang pagkukulang na isa sa ugat ng paghihiwalay nila ni Ai Ai.

"Hindi kami nagmamalinis dito, hindi kami basta iniwan, mayroon kaming mga sariling kulit. Natural po 'yan sa relasyon ng manager, artist wala pong perfect niyan. Kahit maghanap kayo 'di kayo makaka-hanap," sabi pa ng grupo.

"Siguro marami din kaming pagkakamali kaya iniwan niya kami, hindi niya kami basta iniwan. May dahilan siya huwag natin siya maliin, may dahilan 'yung tao kaya iniwan niya kami, 'yun lang."

Hindi man naging maayos ang kanilang paghihiwalay ng landas, labis na pasasalamat pa rin ang ipinaabot ng grupo para sa dating manager.

"Hindi po kami nakalimot magpasalamat, 'yun lang po 'yung hindi ko makakalimutan. Nagpapasalamat kami, kahit na wala pang dahilan para magpasalamat, nagpapasalamat kami kasi Mama Ai namin siya."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.