Kim Chiu, excited makatrabaho si Yam Concepcion

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 01:47 PM

MAYNILA -- Tanging panghihinayang na lang ang naramdaman ni Kim Chui sa pag-atras ni Erich Gonzales sa upcoming Kapamilya serye na "Love Thy Woman."

Isa sana si Erich sa mga mapapanood sa pagbabalik-teleserye nina Kim at Xian Lim kasama ang ilan pang mga bituin ng Kapamilya network.

"Una nalungkot and hindi rin siya nakapagpaalam sa amin. Staff na lang nagsabi na wala na siya. So hindi ko rin inano, kasi siyempre respeto na rin kung 'yun ang gusto niyang mangyari or desisyon," tugon ni Kim sa launch ng kanyang bagong endorsement na Nature's Way Aloe Vera System nitong Agosto 16.

Ayon pa kay Kim, wala pang pagkakataon na makapag-usap sila ni Erich at hindi rin niya alam ang tunay na dahilan ng pag-back out ng aktres sa kanilang proyekto.

"Lahat kami hindi namin alam what really happened, kung ano 'yung reason niya and hindi pa kami nagkausap. Wala pa talaga," aniya.

Sa naging pag-alis ni Erich sa proyekto, looking forward naman si Kim sa na makatrabaho sa unang pagkakataon si Yam Concepcion.

Matatandaan na ang dating "Halik" star ang ipinalit sa iniwang karakter ni Erich.
 
"Excited din ako to work with her kasi napanuod ko rin siya sa 'Halik' and sobrang intense niya dun. So mas ma-cha-challenge ako in terms of acting namin," pahayag pa ni Kim.

Bukod kay Kim, Xian at Yam, bahagi rin ng teleserye sina Christopher de Leon, Eula Valdez, Zsa Zsa Padilla, Ruffa Gutierrez at Jennifer Sevilla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.