Daniel, napahanga sa 'lalaking' Kathryn

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 07:56 PM | Updated as of Aug 17 2017 11:30 PM

Puring puri ni Daniel Padilla ang ka-love team niyang si Kathryn Bernardo sa pagganap nito bilang 'Malia' na nagpanggap na lalaki sa top trending teleserye na 'La Luna Sangre'.

Hanga si Padilla sa dedikasyon ni Bernardo sa pagiging si 'Malia' tuwing taping nila ng nasabing teleserye. 

"'Yong wig niya, hindi 'yon biro. Hindi 'yon basta pinapatong lang na wig. Daming glue. Imagine, 'yong init and everything, nasa ulo, pero the whole day, ginagawa niya. Passion 'yan e," ayon kay Padilla.

Maliban diyan, wala rin umanong stunt double si Bernardo tuwing kukunan ang kanilang maaaksiyong eksena, ayon sa kanilang stunt director na si Lester Pimentel. 

Kung may double man, nagsisilbi lang itong gabay ni Bernardo, pero lahat ng napanonood sa telebisyon ay gawa ng aktres. 

Matapos din ang mahabang panahon ng pagganap ni Bernardo bilang lalaki sa serye, muling nag-transform ang aktres bilang maalindog naman na undercover escort girl na si alyas 'Tony'. 

Simula ngayong gabi ng Huwebes, aabangan kung magiging matagumpay ba ang misyon ni 'Tony' na mapasok ang mundo ng karibal niyang bampira na si 'Sandrino'.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.