'General’s Daughter' at 'Ngayon at Kailanman,' umaarangkada sa Myanmar

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 12:14 PM

MANILA -- Patuloy na tinatangkilik sa ibang bansa ang mga programa ng ABS-CBN dahil napapanood na rin sa Myanmar ang dalawa sa patok na Kapamilya primetime teleseryes na "The General’s Daughter" at "Ngayon at Kailanman."

Napapanood sa Sky Net International Drama Channel sa Myanmar ang dalawang Kapamilya teleseryes na naka-subtitle sa wikang Burmese.

Nagsimulang ipalabas ang "The General’s Daughter" na pinagbibidahan ni Angel Locsin noong Agosto 4, na napapanood mula Biyernes hanggang Linggo (7 p.m.).
 
Hunyo 24 naman noong nagsimulang ipalabas ang "Ngayon at Kailanman" na pinagbibidahan nina Julia Barretto at Joshua Garcia sa Sky Net. 

Muli na namang tumibay ang reputasyon ng Kapamilya network bilang trusted producer ng magagandang programa para sa international audience sa pag-ere ng "The General’s Daughter" at "Ngayon at Kailanman" sa Myanmar. 

Kabilang din sa mga tinatangkilik na Kapamilya teleseryes abroad ngayong taon ay ang "The Blood Sisters" sa Kazakhstan, "Pangako Sa ’Yo" sa Dominican Republic, "Halik" sa Tanzania, at ang co-production ng "Hanggang Saan" sa Turkey ng ABS-CBN at Limon Yapim. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.