Coco, nag-react na 'kasama' ni Julia ang nanay niya sa HK

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 08:07 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:19 AM

Naispatan umano ang ina ni Coco Martin at kanyang napababalitang nobyang si Julia Montes na magkasama sa Hong Kong. 

Tinawanan na lamang ni Martin ang balitang ito, at sinabing wala siyang alam tungkol dito, lalo't kabi-kabila ang kanyang mga proyekto. 

"Di ko alam 'yan. Busy ako sa trabaho," natatawang sinabi ni Martin.

Kasama sa mga ikinabi-busy ngayon ni Martin ang pagdiriwang ng ika-100 linggo ng 'FPJ's Ang Probinsyano' dahil mas matinding aksiyon na ang dapat umanong abangan, lalo't ipinakilala na bilang bagong kontrabida ni Martin si Aljur Abrenica.

Matindi ang magiging sagupaan sa mga susunod na mga araw, ayon sa direktor ng primetime serye na si Toto Natividad. 

"Iisa lang ang dapat matira!" ayon kay Natividad.

Maangas din ang magiging imahen ni Abrenica sa seryeng ito. 

"Bad boy talaga ako rito," ani Abrenica.

Lalong magiging makatotohanan din ang mga stunt, lalo't natutuwa si Natividad na naging daan ang serye at si Martin upang maibalik ang aksiyon sa Sine Pilipino. 

"Ang laki ng nagawa ng 'Ang Probinsyano' sa aming trabaho,mga stunt men. Wala kaming CGI o effects sa action scenes," kuwento ni Natividad. 

Laking pasasalamat naman ni Martin na umabot nang 2 taon ang serye na sumasalamin din sa mga isyu ng panahon. 

"Natataon na sumasabay kami sa mga nangyayari sa bansa. Salamat sa pagtingkilik ng ating kababayan," ayon kay Martin.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.