Jason Dy, muntik nang iwanan ang pagkanta

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2018 03:46 PM

Jason Dy

MAYNILA -- Muling sinariwa ng “The Voice of the Philippines” Season 2 grand champion na si Jason Dy ang kanyang mga naging pinagdaanan sa pagabot ng kanyang pangarap.

“I almost gonna stop na sana kasi naisip ko walang tumatawag sa mga auditions ko,” bungad ng singer sa media conference ng “SoulJa” concert.

Kuwento ng singer, ilang beses din siya dumaan sa mga auditions bago siya sumali ng “The Voice of the Philippines” tulad ng "The X Factor Philippines" at "Pilipinas Got Talent." 

“Basta marami. Naka-anim pa ata ako bago ako umabot sa 'The Voice,'" dagdag ni Jason na kasali sa team ni Sarah Geronimo sa timpalak.

 

A post shared by Jason Dy (@jasondy) on

“Pero nung inalis ko na 'yung pressure sa sarili ko na 'this is not the last contest na sasalihan ko,' ayun nakapasok and luckily nanalo,” ani ng singer.

At ngayong tatlong taon na siya industriya, aminado si Jason na tuloy pa rin ang pag-explore niya sa kanyang talento.

“You always have to evolve e. You have to improve yourself and better yourself, kasi darating 'yung time na may mas magaling na sa 'yo,” sabi pa niya.

Naniniwala din daw si Jason na may higit pa na rason sa kanyang pagkapanalo.

“Inisip ko lang talaga na there must be a purpose kung bakit ako [nanalo], kung bakit ibinigay ni Llord sa 'kin ito... Parang binigyan ka ng opportunity ni Lord na ipakita ang galing at husay mo,” pahayag pa niya.

Sa ngayon, abala si Jason sa paghahanda sa nalalapit na “SoulJa” concert ngayong Agosto 30, kasama si Jay-R at Jaya sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.