Kontesera ng Pasay, pasok na sa 'Miss Q&A' Hall of Fame

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 06:48 PM

Nasungkit ni Juliana Parizkova Segovia ang kauna-unahang silya sa Hall of Fame ng "Miss Q&A" segment ng "It's Showtime." 

Iniluklok si Segovia sa Hall of Fame nitong Martes matapos niyang makuha ang ika-10 sunod na panalo sa pinaguusapang kumpetisyon, kung saan talas ng isipan at pagsagot ang labanan.

Tinalo niya ang kanyang daily challenger na si Maria Joevanie Balderas, na binigyan ng 7.7 na score -- mas mababa sa 9 na ibinigay kay Segovia. Umambot na sa P200,000 ang kabuuang napapanalunan ni Segovia. 

Para sa final round, tinanong si Balderas at Segovia kung ano ang pipiliin nila: korona or cash prize? 

Ang sagot ni Segovia ay korona "dahil naniniwala po ako na sa bawat korona na aking nakukuha, may kaakibat na malaking responsibilidad ang aking ibabahagi sa mga taong naniniwala at nagiging inspirasyon ko sa bawat pagsali ko sa patimbalak na ito." 

Sa isang panayam ni MJ Felipe noong nakaraang linggo, inamin ni Segovia na hindi pa rin siya makapaniwala at tila parang panaginip pa rin ang pagsuot niya ng korona ng "Miss Q&A." 

Aniya na isa siyang biktima ng bullying at ang kanyang sunod-sunod na panalo ay patunay na hindi lang panlabas na ganda ang dapat tinitingnan sa isang tao.