PANOORIN: Kathryn, napaiyak dahil kay Direk Cathy

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 12:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigilan nina Kathryn Bernardo at direktor na si Cathy Garcia-Molina ang maging emosyonal sa naging pagbisita nila sa "Magandang Buhay" kasama ang isa pang bida ng pelikulang "Hello, Love, Goodbye" na si Alden Richards.

Nitong Martes, nagsimulang bumuhos ang emosyon nina Kathryn at Direk Cathy nang aminin ng huli na nasaktan siya nang magalit sa kanya ang anak-anakan na si Kathryn habang ginagawa ang pelikula.

"Ang totoo nasaktan ako sa pelikulang ito para kay Kathryn. Because before the movie started, I talked to her, sabi ko sa iyo, 'Anak, magagalit ka sa akin, magtatampo ka sa gagawin ko sa iyo. Pero alam mo na gagawin ko ito para sa iyo.' So after na siya ay pahirapan, 'yung talagang gusto na niyang bumalik ng Maynila, dumating si DJ (Daniel Padilla), alam ko nagsusumbong siya araw-araw," pasimula ni direk Cathy.

"Pero tinitiis ko 'yon. Like a mother, it's called tough love. Alam mo ang mga ina kahit minsan alam mo na nahihirapan na ang anak mo, para sa kanya gagawin mo, hindi ba? So bago matapos ang pelikula, tinanong ko siya, sabi ko, 'Anak, nagalit ka ba sa akin?' Sabi niya, 'Opo.' Nasaktan ako, kasi I thought she understood na ginawa ko 'yon for her. Kaya sabi ko sa kanya sa press conference, 'Watch the film and after watching, tell me kung galit ka pa rin sa akin, kasi I have done everything for you," kuwento ni Direk Cathy.

Dahil sa mga sinabi ng direktor ay tuluyan na ring lumuha si Kathryn.

"I think kasi whenever I have a relationship with my actors, never akong nag-treat ng artista na artista lang. They always become my friends on and off cam. So si Kathryn, yes, artista ko siya kapag nasa set pero anak-anakan ko 'yan. All I asked from her was to trust me and muntik na siyang bumigay. But she trusted me. Kayo na po ang humusga kung naging worth it 'yung pag-trust ni Kathryn sa akin. But I'm glad that you did at saka last na natin ito," ani Direk Cathy.

Para naman kay Kathryn, aminado siya na bilang isang napaka-sensitibong tao, hindi niya naiwasan na maging personal ang mga ginawa ni Direk Cathy para matulungan siya sa paggawa ng pelikula.

"Ang sensitive ko kasi na tao, hindi ko naiwasan na maging personal siya. Kilala ko siya na parang mentor ko, 'yung nanay ko na palagi kong tatakbuhan, siya yung magko-comfort sa akin, pero ngayon iba. Ang hirap mag-adjust sa ganung treatment. May mga day na kunwari puyat ka, pagod ka, hindi mo maintindihan kung bakit kailangan ganyan. Hindi ba niya napi-feel na napagod din ako, na ganyan. Medyo may mga ganoong araw naman talaga. Pero sabi nga ni direk, ibinigay ko ang tiwala ko kay direk. Una, tinanggap ko ang project na ito because of Inang and Direk Cathy. Kung hindi si direk ito at hindi si Ate Carms, hindi ko alam kung ganito ang maibibigay ko. Alam ko na sila ang nandiyan para i-make sure na gagawin ko ito ng 100%. Then because it's Direk Cathy, sasabihin ko yes, kasi alam ko na mahal niya ako at iba ang tiwala ko kay direk Cathy," ani Kathryn.

Muli ring naiyak si Kathryn nang matanong kung ano ang nais niyang ipagpasalamat sa kanyang direktor.

"Naniwala siya sa akin. Never siyang nag-doubt sa akin. Siya 'yung nakikipaglaban sa amin ni DJ, nagpo-protect sa amin. Gumawa kami ng 'Hows of Us' noon, parang bumalik ang pagmamahal ko sa trabaho. Iba kasi kapag si Direk Cathy, 'yung pagpapahalaga niya sa trabaho, 'yung pagtitiwala niya sa iyo bilang artista, malaking bagay 'yon. So 'yun ang ipinagpapasalamat ko kasi siya 'yung nag-alis sa comfort zone ko, siya 'yung never akong iniwan. At saka siya 'yung alam kong kahit wala siya diyan, nakabantay lang si direk na 'oh di ka masyadong magaling sa ano, bakit ganun?' Alam mo 'yung nanay mo sa industriya na magsasabi sa iyo ng totoo. And lahat tayo kailangan nun," ani Kathryn.
 
Nang matanong naman kung ano ang masasabi niya sa mga sinabi ni Kathryn, sagot ni direk Cathy: "Si Kathryn kasi dumating siya sa puntong parang ayaw na niya, na hindi na siya naniniwala sa sarili niya. And I hated all the people who said she can not make it and she's not good. Sabi ko, 'Anak, laban natin. We will show everyone that you are a good actress and you are worthy of who you are now and what you will become.'"

"Nalulungkot ako that is like my last film with Kathryn bago ako magpahinga. Not for good but I don't know. Parang ini-ready ko lang siya so that whoever she will work with ay maibaon niya lahat nang naituro ko sa kanya, sa kanila ni DJ and also to Alden na at least nakatrabaho kita. ... Kathryn will always be my anak-anakan. ... My directing history would not have been complete and beautiful without the movies done with Kathryn and Daniel and now with Alden. So thank you very much," ani direk Cathy.

Ipapalabas ang "Hello, Love, Goodbye" simula ngayong Miyerkoles, Hulyo 31.