Hindi mabibiktima: Arci nilinaw ang pahayag ukol kay Gerald Anderson

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilinaw ni Arci Muñoz ang dati niyang pahayag sa programang "Gandang Gabi Vice" na hindi umano siya mabibiktima ni Gerald Anderson.

Naungkat kamakailan ng netizens ang guesting ni Muñoz sa "Gandang Gabi Vice" noong 2017 habang pino-promote ang pelikula nila ni Anderson noon na "Can We Still Be Friends?".

Sa guesting, tinanong ni Vice Ganda si Muñoz kung hindi raw ba sila magiging mag-ex ni Anderson, na sinagot ni Muñoz: "Hindi ako mabibiktima."

"Hindi nga ako aware kasi wala naman ako Twitter, so parang nagta-tag sila sa 'kin ng Instagram," ani Muñoz ukol sa naungkat na pahayag.

"Joke ko lang 'yon kasi never ko talagang naisip na magjojowa ako ng artista. 'Pag nakikita ko silang lahat, para ko silang brothers," dagdag ng aktres.

Ayon kay Muñoz, sa gitna ng pagbibigay-kulay sa kaniyang pahayag, ayaw niyang madamay sa isyung kinahaharap ngayon ni Anderson.

Lumutang kamakailan ang mga haka-haka na naghiwalay na si Anderson at ang nobyang si Bea Alonzo, na nag-ugat sa Instagram post ng aktres.

Sinabi ni Alonzo noong Biyernes na sa kaniyang pagkakaunawa ay hindi pa sila naghihiwalay ni Anderson, at basta na lamang siyang hindi na kinausap ng aktor. 

-- Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.