Tuloy na tuloy na ang Marawi movie ni Robin Padilla

Kiko Escuadro, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2018 11:20 PM

MANILA -- Kasado na ang inaabangang Marawi movie project ng Spring Films na "Children of the Lake" na pagbibidahan nila Mylene Dizon, Piolo Pascual at Robin Padilla.

 

A post shared by Spring Films Inc. (@springfilms) on

Ang "Children of the Lake" ay base sa tunay na mga kuwento ng mga residente na nakaligtas sa naging giyera sa Marawi City.

Kuwento ni Robin, katuparan ito ng kanyang mga panalangin para mabigyan ng boses ang biktima ng karahasan sa Mindanao.

“Ito pong pelikulang ito ay totoo na. Ito po ay isang pangarap at ngayon ay mayroon nang press conference,” ani Robin sa unang media conference ng kanilang proyekto.

Si Robin ay kilala bilang isa sa mga personalidad na aktibong tumutulong para sa pagbangon ng Marawi City.

Malaki din ang pasasalamat ni Robin sa mga tumatayong producer ng kanilang pelikula na sila Piolo at Joyce Bernal.

“Maraming imposible sa pelikulang ito, at 'yung mga imposible ay naging posible dahil mayroon pong vision and mission ang pelikulang ito,” dagdag pa ni Robin.

Target din daw ni Robin na imulat sa mga kabataan ang tunay na pangyayari sa Mindanao sa pamamagitan ng kanilang pelikula.

“Gusto ko ang pelikulang ito, ang mga kabataan 'pag pinanood nila malalaman at maiintinidihan nila kaagad kung ano ba talaga ang trouble sa Mindanao,” pahayag ni Robin.

Target na maipalabas ang "Children of The Lake" sa ikalawang taon na anibersaryo ng Marawi seige sa 2019 sa direksyon ni Sheron Dayoc.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.