Maymay, masaya sa pagiging parte ng 'La Luna Sangre'

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 01:21 PM

MANILA -- Hindi maitago ni Maymay Entrata ang kasiyahan na maging parte ng pinakabago at sikat na seryeng "La Luna Sangre" na pinagbibidahan ng tambalang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, pinapurihan din ni Maymay ang kanyang mga kasamahan sa serye na napakagaan na katrabaho.

"Lahat sila mababait. Sila Sir Daniel, sila Ma'am Gelli (de Belen). Silang lahat po talaga," ani Maymay.

Sa serye ay ginagampanan ni Maymay ang karakter ni Apple, kapatid ni Tristan (Daniel Padilla), samantalang tiyahin naman ni Apple ang ginagampanan ni De Belen.

Maliban sa "La Luna Sangre" sunod-sunod din ang mga iba't ibang proyekto ni Maymay. 

Nailabas na ang kanyang unang album para sa Star Music at gumagawa rin siya ng pelikula para sa Star Cinema kung saan katambal niya ang kasamahan din sa "Pinoy Big Brother" na si Edward Barber.

Nakatakda din siyang sumabak sa isang concert sa Singapore sa susunod na buwan.

Ayon kay Maymay, masaya siyang natutupad ang lahat ng kanyang mga pangarap.

"Siguro natupad ang pangarap ko dahil nangangarap ako at may inspirasyon ako sa buhay. ... at ginagawa ko ng mabuti ang mga ginagawa ko," ani Maymay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.