'There's something about her': Olivia Lamasan sa bagong Darna

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 05:28 PM | Updated as of Jul 17 2019 08:17 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by ABS-CBN Films, Star Cinema (@starcinema) on

Napili ang aktres at dating Girltrends member na si Jane de Leon bilang bagong Darna, inanunsiyo ngayong Miyerkoles ni ABS-CBN Films Managing Director Olivia Lamasan.

Mula sa halos 300 nag-audition — mula Star Magic, StarHunt, at sa mga talent agency at scout — si De Leon ang napili para gampanan ang papel ng iconic Pinay superhero.

"We have found a new Darna and she is none other than Jane de Leon," ani Lamasan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Lamasan, ipinamalas ni De Leon, 20, sa auditions ang husay sa pag-arte kaya siya ang "unanimous decision" ng "Darna" director na si Jerrold Tarrog at ng ABS-CBN management.

"Natuwa nga ako na isa siya sa mga nag-audition. Sabi ko, 'Ay there's something about her,'" kuwento ni Lamasan.

Maging si ABS-CBN Entertainment Production Division Head Lauren Dyogi ay may nakita raw kay De Leon kaya ito ang napili.

"Bilang filmmakers, may nakikita kami," ani Lamasan.

"Malakas ang instinct ng bata," dagdag niya.

Ikinuwento pa ni Lamasan na noong final deliberation, tinanong ng management si De Leon kung gaano siya ka-committed sa pagkuha ng papel. Sagot daw ni De Leon: "I will do everything and anything for the role because I believe in her, I believe in what Darna stands for."

Nag-umpisa si De Leon bilang miyembro ng Girltrends ng "It's Showtime."

Lumabas din siya bilang moonchaser sa seryeng "La Luna Sangre" at kapatid ng karakter ni Jericho Rosales sa seryeng "Halik."

Nag-guest na rin si De Leon sa mga episode ng "Maalaala Mo Kaya" at "Ipaglaban Mo," at umarte sa mga pelikula gaya ng "Walwal" at "The Debutante."

Napili si De Leon matapos umatras ni Liza Soberano sa papel dahil sa tinamong injury sa daliri.

Mayo 2017 nang tanggapin ni Soberano ang papel bilang Darna, kapalit ni Angel Locsin.

-- May ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.