Kakai, masaya sa pagiging single matapos umasa kay Ahron

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2018 04:02 PM | Updated as of Jul 20 2018 01:00 AM

MANILA -- Matapos amining nahulog at umasa siya sa kaibigang si Ahron Villena, bukas na muli si Kakai Bautista sa pakikipag-date. 

Sa press conference para sa pelikulang "Harry & Patty," kung saan sila ang bida ni Ahron, ibinahagi ni Kakai na mayroon na siyang dini-date na hindi taga-showbiz.

"I learned a lot of things, lessons sa pinagdaanan ko sa kanya (kay Ahron). I'm sure marami rin siyang natutunan. I grew a lot when it comes to relationships. I'm actually dating some guys -- hindi lang isa -- out of showbiz. At saka lahat sila guwapo," ani Kakai.

Pero giit ni Kakai, masaya siya ngayon sa pagiging single.

"Coffee, coffee lang, dinner, dinner lang. Kasi ngayon I'm enjoying myself as a single woman. May iba po akong priorities," ani Kakai. 

"Masaya po ako sa buhay ngayon. Si Ahron po kapag kailangan ko siya or gusto kong manood ng sine, lumalabas kami. I learned a lot from the experience and sabi ko nga, who am I not to forgive someone, hindi ba? ...Saka marami naman siyang nagawang mabuti sa akin kaya there's no reason why na hindi ko siya mapatawad or mapatawad ang isa't isa," dagdag ng komedyana.

At tulad ni Kakai, marami ring natutunan si Ahron sa nangyari sa kanilang dalawa.

"Nagkapatawaran kami sa isa't isa. May mga bagay na hindi kami nagkaintindihan before and siguro parang one year kaming hindi nagkita noon," ani Ahron na masayang nanatili ang pagkakaibigan nila ni Kakai.

"Sabi ko tingnan mo, nag-aaway man tayo, hindi kita pinapatulan, mainis ka man, sige lang, tinatawanan ko lang. Tingnan mo, ngayon okay tayo, hindi ba?" ani Ahron na hindi rin lubos maisip na magkakasama pa sila sa isang pelikula.

Matatandaang bago nila tanggapin ang pelikula, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sina Ahron at Kakai. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Kakai at Ahron, ilang buwan na silang nagkaayos bago nila ginawa ang "Harry & Patty."
 
"Given this kind of opportunity is a blessing. Hindi ko talaga tatanggihan and sabi ko nga, ako puwedeng palitan, si Kakai, hindi," ani Ahron. 

"Pero sabi ko nga I'm really happy na first major project ko sa big screen ay ito po, ang kasama ko si Dental Diva. Sa mga sumubaybay sa amin, sa mga nangyari sa amin, uunahan ko na po kayo, hindi po ito planado. Kami ay naging okay ng September and the movie was offered two months (after)."

Pag-amin naman ni Kakai, makailang beses niyang pinag-isipan kung tatanggapin niyang makasama sa pelikula si Ahron.

"Kasi nga sobrang natatakot ako. Kasi alam niyo naman sikat na sikat ako sa pangba-bash and everything, lalo na kapag tungkol sa aming dalawa. Tapos naisip ko kailangan kong mag-ipon ng pera kasi mayroon akong bibilhin. So, naisip ko 'yon, 'Sige di bale na lang kahit anong sabihin ng tao, igo-go ko na ito,'" ani Kakai na iginiit na si Ahron ang gumawa ng paraan para sa kanilang pagkakasundo. 

Ipapalabas ang "Harry & Patty" sa mga sinehan sa August 1.