Bela Padilla inireklamo ang lalaking nagtangkang umakyat sa kaniyang condo

MJ Felipe, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2020 10:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Natakot para sa kaniyang kaligtasan ang aktres na si Bela Padilla matapos magpumilit ang isang lalaki na umakyat sa kaniyang tinitirahang condominium unit. 

Dumulog ang aktres sa Mandaluyong City police station para ireklamo ang isang lalaking pumunta noong Huwebes ng gabi.

Kuwento ni Padilla, hindi niya kilala ang naturang lalaki. 

"Merong lalaking nagpupumilit umakyat sa unit ko, ang tagal bago siya napaalis. Dumating na 'yung barangay, pinakiusapan na siya ng guard, ayaw pa rin umalis umabot na actually nang 30 minutes," aniya.

Hinanapan ng security supervisor ng condo ng ID ang lalaki. Dito, napag-alaman na may kasama ito na dalawa pang lalaki sa kanilang sasakyan.

Hindi naman lasing o marahas ang kilos ng lalaki pero maituturing daw na fan ni Padilla ang lalaki dahil sa ipinakita niyang retrato.

"Nagsabi siya na kaklase ko daw siya sa Davao, eh hindi naman ako nag-aral sa Davao. Tapos nag-iba na 'yung kuwento niya, sabi niya boyfriend ko daw siya, pero I never met this guy," sabi ni Padilla.

Pagkaalis ng lalaki noong Huwebes, agad siyang ipina-blotter ng pamunuan ng condo sa barangay.

Kutob ni Padilla, matagal na siyang sinusundan ng taong iyon. 

Kaya para sa kaniyang kaligtasan, itinuloy na ni Padilla ang pagsasampa ng kasong unjust vexation laban sa lalaki.

"Don’t come to my house ever again. You are never invited," babala niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.