PANOORIN: Dimples Romana, napaiyak dahil sa kanyang kapatid

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 12:36 PM | Updated as of Jul 13 2017 05:00 PM

MANILA - Hindi na napigilan ng aktres na si Dimples Romana na maiyak dahil sa kanyang kapatid na si Bam Romana, na dating "Pinoy Big Brother" housemate.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, napaiyak ni Bam ang kanyang ate sa kanyang ginawang pasasalamat para sa lahat ng tulong at sakripisyo ng aktres para sa kanilang pamilya.

Ayon kay Bam, maagang sumabak sa trabaho si Dimples para makatulong sa kanilang ina na maitaguyod ang kanilang pamilya at ang kanilang pag-aaral. 

Dagdag ni Bam, maliban sa kanilang ina ay inaalay niya rin ang kanyang pagtatapos ng kolehiyo sa kanyang ate Dimples na ngayon ay masaya na rin sa kanyang asawa at mga anak.

"Ako, gusto ko lang sabihin sa Panginoon araw-araw na ikaw 'yung naging ate ko, naging kapatid ko. Kung uulitin ang buhay ko, di ko pa rin matutumbasan ang sakripisyo na ibinigay mo sa amin. Tutal hindi naman natin ito lagi nasasabi, so 'yon," ani Bam.

"Sorry din kung if I haven't been the man or the brother you would wish me to be. But kahit ano ang mangyari, saan man ako makarating, malaking bahagi noon ay ikaw," dagdag ni Bam.

Para kay Dimples, masaya siya sa kung ano ang nangyari sa kanyang pamilya.

"Alam mo kapag pamilya kayo, ang tagumpay ng isa, tagumpay niyong lahat. So kung darating 'yung panahon na makapag-college ako, baka after na lang nilang lahat. May kapatid kasi akong isa, so pagkatapos na lang nila, kung ano ang tawag ng pagkakataon," ani Dimples. 

Sa ngayon ay tatlong taon nang nurse consultant si Bam para sa isang pharmaceutical company.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.