Vice Ganda at Piolo, nagpakita ng suporta sa ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 03:10 PM | Updated as of Jul 10 2020 03:11 PM

MAYNILA -- Nagpakita ng kanilang suporta nitong Biyernes sina Piolo Pascual at Vice Ganda para sa ABS-CBN.

Sa Twitter, lumabas ang mga retrato ni Piolo na kasali sa isinagawang caravan para ipanawagan ang pagbibigay ng bagong prangkisa para sa Kapamilya network.

Sa harap naman ng ABS-CBN ay nakasakay sa kanyang sasakyan si Vice Ganda at may bitbit na placard na nakasulat ang mga salitang "Para sa inyo ito madlang people."

Nagpakita rin ng suporta si Robi Domingo na nasa harap din ng ABS-CBN kasama ang iba pang empleyado at supporters ng network.

Maliban kay Piolo, kasama rin sa caravan sina Kathryn Bernardo at Angel Locsin.

Patuloy namang trending ang hashtags #WeAreOneKapamilya at #IbalikAngABSCBN na nagpapakita sa suporta ng mga netizen sa Kapamilya network.

Nitong Huwebes, Hulyo 9, ginanap sa Kamara ang "summation" ng 12 pagdinig ukol sa ABS-CBN franchise bills. 

Sa ngayon ay isinasagawa ang botohan para sa prangkisa ng ABS-CBN. 

Sa paunang ulat, inirekomenda ng isang technical working group sa House Committee on Legislative Franchises na huwag bigyan ng prangkisa ng ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.