Para sa pelikula: Kathryn di pinag-cellphone, Alden nagbawas ng timbang

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2019 08:59 PM

Ibinahagi nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang mga matinding paghahandang ginawa nila para sa pelikulang "Hello, Love, Goodbye." 

Iikot ang kuwento ng pelikula — na dinirek ni Cathy Garcia-Molina — sa kuwentong pag-ibig nina Joy (Bernardo) at Ethan (Richards), mga manggagawang Pinoy sa Hong Kong.

Ayon kay Richards, nabawasan siya ng 20 hanggang 25 pounds para sa pelikula matapos siyang komprontahin ni Molina ukol sa kaniyang timbang.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hindi na po yata napigilan ni Direk, sabi niya, 'Alden, halika rito, tingnan mo, ang taba mo.' Parang iyon po ang nag-drive sa akin," kuwento ni Richards sa press conference noong Martes.

Pinaranas din daw kina Richards at Bernardo ang pagwe-waitress at pag-bartender, na mga trabaho ng kanilang karakter.

"Pinapasok talaga nila kami as waitress and as bartender sa isang bar," ani Bernardo.

Ibinunyag din ni Molina na nagalit sa kaniya si Bernardo nang kumpiskahin ang cellphone ng aktres.

Halos isang buwan ding hindi kinausap si Bernardo ng kaniyang co-stars bilang bahagi ng kaniyang paghahanda para sa karakter.

"Sa nakikita ko, nagagalit na siya, so tinanong ko, 'Nagagalit ka ba sa 'kin?' sabi niya, 'Opo,'" ani Molina.

Emosyonal naman si Richards sa mainit na pagtanggap sa kaniya.

"Sobra akong na-move. Hindi ko akalain na ganoon 'yong magiging effect ko kay Direk while doing the film," ani Richards.

Ipalalabas sa mga sinehan ang "Hello, Love, Goodbye" simula Hulyo 31.

-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.