Memes ni Daniela 'pinaka-iconic,' ayon kay Dimples Romana

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 02:47 PM

MAYNILA - Lubos na pasasalamat ang ipinapaabot ng aktres na si Dimples Romana sa laging mainit na pagtangkilik ng publiko sa kaniyang mga proyekto, partikular na sa pinakaaabangang yugto ng teleseryeng "Kadenang Ginto."

"I'm just so happy. Lahat naman ng ginawa ko sinuportahan ng mga tao," sabi niya sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga.

Ayon sa kaniya, nagiging classic ang kaniyang mga proyekto dahil na rin sa tulong ng netizens.

"Of course, you know Krizzy of One More Chance/Second Chance; Amanda of The Greatest Love; Babaylan of Bagani--lahat 'yan favorite nilang mini-meme," sabi ni Romana.

Pero para sa kaniya, ang naglalabasang meme ng eksena sa "Kadenang Ginto" kung saan nakasuot siya ng pulang damit at may hila-hilang pulang maleta ang "pinaka-iconic."

"Ito na ata ang pinaka-iconic na character na nagawa ko kasi umabot na kung saan-saan at saka paggising mo good vibes lang. Ganun naman gusto natin, 'yung natatawanan natin isa't isa, walang napipikon... 'yun ang masaya," sabi niya.

Mahalaga aniya para sa kaniya na natutulungan nito ang kanilang teleserye na mas maipakilala sa loob at labas ng bansa.

Binigyang pansin din ng aktres ang kusa ng netizens sa paggawa ng mga meme.

"That's what I love talaga. Ang hirap kayang mag-edit ng picture. Ibig sabihin pag nag-eedit sila, nagbibigay sila ng oras, panahon," sabi niya.

Dagdag niya: "Biruin mo may mga lugar sa Pilipinas na napuntahan ng meme ko na hindi ko alam."

Pinapurihan din niya ang mga nasa likod ng teleserye tulad ng writers na responsable sa "ganung ka-iconic" na karakter ni Daniela.

Natatawa na lang ang aktres dahil may mga pagkakataong hindi maialis ang karakter niya sa personal niyang buhay.

"Feeling ko mascot na ako eh! Habang naglalakad ako hinahanapan nila ako ng maleta! Naglalakad ako ng ABS kailangan may maleta!" masayang pagbabahagi niya.

Hiniling naman ni Romana na tumutok pa ang mga taga-suporta ng Kadenang Ginto para sa mas maiinit pang eksena.

“Marami pa talaga kasi maghihirap si Daniela, parang gustong-gusto ng mga tao na naghihirap siya,” sabi niya.