Coco, namamayat na dahil sa stress at pagod sa trabaho

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 12:56 PM

Namamayagpag pa rin sa ratings at sa mga manonood ang teleseryeng "Ang Probinsyano."

Malaki ang pasasalamat ni Coco dahil sila pa rin ang pinipiling panoorin gabi-gabi dahil sa pinagbubuti nila ang bawat episode.

"Nakakatuwa kasi hanggang ngayon hindi sila nagsasawa, tinatangkilik pa rin nila at updated pa rin kami sa lahat ng nangyayari," ani Coco.
 
Kailan lang ay pinag-usapan ang pagkamatay ni Ricky Boy, ang anak ni Cardo sa palabas. 

Para kay Coco, nalulungkot din siya kapag may tauhan na kailangang ng mamaalam sa kuwento.
 
"Kumbaga hindi lang kami magkakatrabaho para na kaming isang pamilya. Dalawang taon na po kami. Ganon talaga, may kailangan mawala at may kailangan pumasok."
 
Nagbigay patikim pa si Coco sa mga dapat abangan sa "Ang Probinsyano" at kung saan hahantong ang galit ni Cardo. 
 
"Ito na, simula na talaga galit na galit," ani Coco.
 
Dahil busy at kaliwa't kanan ang schedule ni Coco, marami ang nakapansin na pumayat ito na aminado naman niyang ikinuwento. 
 
"Actually kung napapansin niyo sa nakaraang mga eksena ko lumiit ang mata ko dahil stress, pagod, kulang sa tulog. Pero at least ngayon po nakaka-recover na," ani Coco.
 
Mas magagandang eksena pa ang dapat kapitan gabi-gabi sa "Ang Probinsyano" na magdadalawang taon ng numero uno sa primetime. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.