Scripted daw ang 'PBB'? Direk Lauren, sumagot

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 05:06 PM

Sa paglipas ng mga taon, naging paksa ng sari-saring tsismis ang tanyag na reality program na "Pinoy Big Brother." 

Kabilang dito ang mga usaping scripted umano ang programa at walang saysay ang pag-audition dahil simula pa lang ay may mga napili na para pasikatin sa loob ng "Bahay ni Kuya."

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kaniyang vlog entry noong Martes, sinagot ng tagapamuno ng programa na si Lauren Dyogi ang mga tsismis na ito, na inilarawan niya bilang "unfair statement."

"'Di natin napag-uusapan 'yon pero masakit din 'yong mga comments and I think a lot of the comments, a lot of them are unfair," sabi ni Dyogi.

"Hindi minsan nakikita 'yong oras behind the scenes bago mag-audition, 'yong oras at 'yong energy at 'yong effort na inuukol ng mga tao namin," sabi ni Dyogi.

Tinalakay ni Dyogi ang paksa kasama ang ABS-CBN business unit head na si Raymond Dizon habang nasa airport sa Naga City matapos pangasiwaan ang "Star Hunt" audition doon.

'OBVIOUS CHOICES'

Ibinahagi ni Dyogi na mayroon talagang mga sumasali sa "Pinoy Big Brother" audition na para sa kaniya ay "obvious choices" o nakikitaan niya agad ng potensiyal na maging housemate.

Isa na rito si Joshua Garcia na lumabas noong 2014 bilang bahagi ng "Pinoy Big Brother: All In."

"Ang nagustuhan ko kay Joshua kasi matangkad, makinis. Kapag nagkukuwentuhan kami, engaged naman ako. Kinekuwento niya 'yong mga nililigawan niya, 'yong mga naging girlfriend niya," kuwento ni Dyogi.

"So I had a feeling pagdating ng bahay, magiging interesting 'yong interaction niya sa mga housemates," aniya.

 

A post shared by Joshua Garcia (@garciajoshuae) on

May mga tao ring isinasalang sa audition na nahahanap ng kanilang mga talent scout, gaya ni Jameson Blake na naging housemate sa "Pinoy Big Brother: 737" noong 2015.

"Kapag may nahanap sila, dadalhin na nila ngayon sa audition venue. I think that's how Jameson was spotted," ani Dyogi.

 

A post shared by Jameson Blake (@hashtag_jameson) on

Kuwento nina Dyogi at Dizon, nahanap si Blake ng talent scout sa Baguio City sa gitna ng pagdiriwang ng Panagbenga Festival.

Napili man ng talent scout, dumaan pa rin sa buong proseso ng pag-audition ang Hashtags member. Noong una, kuwento ni Dyogi, ay hindi pa pumasa si Blake sa final audition pero inapela siya at pinahanap ulit.

Salik din sa pagpili ng housemate ang chemistry nila sa ibang housemate.

"A lot of choices are because there's magic, napagtatagpo namin ang mga tao," ani Dyogi.

Isa sa mga halimbawa rito ni Dyogi ay si "Pinoy Big Brother: Lucky 7" winner Maymay Entrata, na noong una ay alanganin silang kuhanin.

 

A post shared by MayMay Entrata (@maymay) on

Pero naging maayos naman daw ang kinahinatnan ni Entrata lalo nang magtagpo sila sa programa ng katambal na si Edward Barber, na dumaan naman sa Skype audition matapos ma-scout ng The Filipino Channel sa Germany.

"Maymay without Edward, hindi natin alam how it will happen," ani Dyogi.

Taong 2005 nang umere ang unang season ng "Pinoy Big Brother," na naging daan sa pagsikat ng ilan sa mga maningning na pangalan sa show business ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.