'Magaan lang ang trabaho': Sarah, enjoy sa pag-shoot ng 'Miss Granny'

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2018 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang kaniyang international concert tour, abala naman si Sarah Geronimo sa mga natitirang shooting day ng pagbibidahan niyang pelikulang "Miss Granny."

Ayon kay Geronimo, gusto lang niyang mabigyan ng hustisya ang isa sa mga pinakamahirap niyang movie roles.

"'Yong mga natitirang eksena, ito 'yong mga heavy scenes, mga highlights talaga so sana maging okay," sabi ni Geronimo sa panayam ng ABS-CBN News.

Susundan ng "Miss Granny," na remake ng isang 2014 South Korean film, ang kuwento ng isang lola (Nova Villa) na babalik sa pagkabata (Geronimo) matapos pumunta sa isang misteryosong photo studio.

"May tumutulong sa 'king acting coach din doon. Kasi siyempre 'yong mga nuances of a woman in her 70s, medyo iba ang galaw. Siyempre medyo matagl na iyong huling acting project ko so challenging din for me," ani Geronimo.

Ayon pa kay Sarah, masaya naman siya sa paggawa sa pelikula. "Enjoy. Magaan lang ang trabaho," aniya.

Ipinagmamalaki rin ni Geronimo ang magandang mensahe ng pelikula.

"Pinapakita 'yong unconditional, 'yong fearless na pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak," ani Geronimo.

Makakasama ni Geronimo sa pelikula sina Xian Lim at James Reid.

Wala pang petsang itinakda sa pagpapalabas ng "Miss Granny" sa mga sinehan.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.