SILIPIN: Huling gabi ng lamay ni Eddie Garcia

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 06:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naging madamdamin ang mga kaanak at ilang bituin sa huling gabi ng lamay ni Eddie Garcia noong gabi ng Sabado.

Sa misa, dama ang pagmamahal ng mga kaanak, nakatrabaho at mga tagahanga ng batikang aktor.

"He's like a pillar in the industry," anang singer na si Martin Nievera.

Sa tribute ng Kapamilya network na pinangunahan ng ABS-CBN executives, inalala ang husay ni "Manoy" sa harap at likod ng kamera.

"We're all witness to his professionalism and passion to his craft," ani ABS-CBN Chief Operating Office of Broadcast Cory Vidanes.

"Bawal po sa kaniya ang 'puwede na.' He made sure all his performances were exceptional and excellent," ani Vidanes.

Naghatid din ng mga mensahe ang iba pang beteranong artista.

"Please convey our regards to [Fernando Poe Jr.] and Dolphy as you join them in the clouds of heaven," ani Helen Gamboa.

"Everybody's sad about what happened to him," ani Christopher de Leon.

Nakiramay rin si outgoing Manila Mayor Joseph Estrada at iba pang politiko.

Para naman kina Batangas Rep. Vilma Santos at senator-elect Lito Lapid, dapat paigtingin ang kaligtasan ng TV at movie stars.

"Siguro magiging eye-opener ito na karapat-dapat lang na in every shooting or taping ay required na mayroon tayong medics," ani Santos.

Nagpasalamat naman ang partner ni Garcia na si Lilibeth Romero sa lahat ng nagbigay pugay kay "Manoy."

Pumanaw noong Huwebes si Garcia sa edad na 90 makaraan ang halos 2 linggong nasa kritikal na kondisyon dahil sa tinamong severe cervical fracture sa aksidente sa gitna ng shooting.

--Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.