'Mahal ko talaga siya': Jake Cuenca, naging bukas tungkol sa nobyang si Kylie Verzosa

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2019 01:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado ang aktor na si Jake Cuenca na nakikita niya ang kanyang future kasama ang nobyang si Kylie Verzosa.

"Siyempre makakasagot lang ako para sa akin lang. Sabi ko lang rin na mahal na mahal ko talaga siya," ani Jake sa "Magandang Buhay" nitong Martes.

Pag-amin ni Jake, tila sumakto sa kanyang edad ang pagpasok ni 
Kylie sa kanyang buhay.

Aniya, pagkatapos niyang makapagpahinga ng dalawang taon para mag-focus sa kanyang sarili, masasabi niyang handa na siya ngayon.

"Aa proseso ng dalawang taon na 'yon parang ngayon masasabi ko na ready na talaga ako. Handa akong alagaan siya," ani Jake. 

"Kung mayroon siyang impluwensiya sa akin, 'yun 'yung ini-inspire niya ako na pagbutihan ko lalo para mas maging mabuting tao," dagdag ng aktor.

Sa programa, ibinahagi rin ni Jake kung paano nagsimula ang pag-iibigan nila ni Kylie na nagwaging Miss International noong 2016. 

Ayon kay Jake, bago pa sila magkatrabaho sa seryeng "Los Bastardos" ay may gusto na siya kay Kylie na una niyang nakasama sa pelikulang "Ang Panday" noong 2017.

"Sa totoo lang kasi hindi man kami nagkita sa pelikula pero nagsama kami sa 'Panday.' Doon pa lang crush ko na siya. Tapos nataon na parang pinag-partner kami sa 'Los Bastardos' so sumakto rin. Pero ang totoo niyan nung 'Panday' diring-diri sa akin kasi mahaba pa ang buhok ko. Ako pa si Lizardo nung panahon na 'yon. So ibang iba pa ang itsura ko noon. Medyo nagpapa-pogi na (ako noon) hindi umuubra," kuwento ni Jake.

"Sobrang bait (ni Kylie). Ang masasabi ko lang siyempre beauty queen siya, Miss International, pero 'yung soul niya, 'yung spirit niya, 'yung personalidad niya mas beautiful pa," dagdag ng aktor.

Kamakailan lang ay nagtungo sina Jake at Kylie sa Bali para 
magbakasyon.

"Ako ang nagpasimuno noon. Pero parang it was a mutual decision na pumunta kami ng Bali na kaming dalawa ang magkasama. Ang saya, parang isa sa pinakamasayang bakasyon. Alam mo 'yung sulit, nakapag-Bali, nakapag-relax dahil kasama ko siya," ani Jake.

Sa programa, kita ang kilig ni Jake sa video message sa kanya ni Kylie na binabati siya sa kanyang pinakabagong pelikula na 
"Kontradiksyon" na ipapalabas sa mga sinehan sa Hunyo 26. 

Ayon kay Kylie, nagpapasalamat din siya sa aktor dahil sa inspirasyong ibinibigay nito hindi lang sa kanya kung hindi sa mga kasamahan nila sa "Los Bastardos."

Bilang tugon, nagpasalamat din si Jake kay Kylie at nangako ng suporta.

"Thank you for everything. Thank you for being who you are and thank you for being there for me also. At saka no matter what happens nandito lang ako nakasuporta para sa iyo," ani Jake.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.