Diego Loyzaga, nilinaw ang panig sa kinasangkutang 'away-kalsada'

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2018 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng aktor na si Diego Loyzaga nitong Sabado na hindi nabangga ng kaniyang sasakyan ang kotse na nakarehistro sa isang transport network vehicle service (TNVS). 

Kuwento ni Loyzaga, binabaybay ng sasakyan niya ang kahabaan ng Taft Avenue nang sumingit umano ang kotse na minamaneho ng Grab driver na si Ronnel Paglalunan.

"Napaliko talaga 'yong driver ko sa kaliwa at nagpreno siya nang malakas...bumaba ako para kausapin 'yong driver," ani Loyzaga.

"Pagbaba ko, I said peace to him, and what did he do, he just put up his phone and started taking a video of me," dagdag ng aktor.

Ani Loyzaga, kalauna'y pinauwi rin siya ng pulis dahil hindi aniya lumalabas ng sasakyan ang Grab driver.

Pinabulaanan din ng aktor ang mga alegasyon ng Grab driver laban sa kaniya.

"Bakit niya sasabihin na walang damages 'yong car niya then five hours later ang allegations nila sa akin sinira ko 'yong sasakyan, nagbato ako ng bato, at nag-trip ako nang walang dahilan," saad ni Loyzaga.

Hinihintay pa ng aktor ang pormal na reklamo ng Grab driver at ang kopya ng CCTV sa lugar ng insidente.

Nakapalitan na ng mensahe ni Loyzaga ang Grab driver at sinabing handa itong humingi ng tawad sa aktor kung mapapatunayan na ito ang may kasalanan.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.