Raymond Bagatsing, 'namangha' sa pamumuno ni Manuel L. Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 06:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — "Namamangha ako."

Ito ang pag-amin ng aktor na si Raymond Bagatsing sa kanyang naramdaman habang ginagawa ang pelikulang "Quezon's Game" kung saan ginampanan niya ang buhay ng dating pangulong Manuel L. Quezon.

Sa pagbisita ni Raymond sa Bagatsing sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles sa pagdiriwang ng ika-121 na Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, ibinahagi ni Bagatsing ang paghanga niya kay Quezon.

"Ang galing ng taong ito. Ganito pala, mayroon palang ganyang tao. Kasi hindi siya boring. Kaya kapag pinanood niyo 'yung pelikula hindi lang siya historical, dahil napakaganda ng karakter ni Manuel L. Quezon. Bibo siya, masaya siyang tao, mapagmahal siya, matigas din ang ulo niya, at maganda 'yung mga exchange niya with his wife. So hindi siya boring, entertaining din siya," paliwanag ni Raymond.

Ani Raymond, hindi madaling gayahin ang dating pangulong Quezon.

"Actually, kasi one month lang 'yung time namin na mag-prepare so medyo nakakatakot siya na, 'Ano ba ito, um-oo ako rito. Mukhang malaking pelikula ito, parang ang hirap yatang aralin lahat 'yon.' May accent siya, may pagka-Espanyol siya, may pagka-Amerikano siyang magsalita kasi ang mga nakapaligid sa kanya sa Malacañang ay puro Amerikano. Tapos Filipino rin siya," ani Bagatsing.

Dagdag ng aktor, natuwa siya nang magsimula siyang manaliksik sa buhay ni Pangulong Quezon dahil sa dami ng kanyang natutunan.

"Ang alam ko naging president siya, pero hindi ko alam ang tungkol sa buhay niya. Kaya natuwa ako nung na-research ko siya at marami akong natutunan about him, specifically itong time period na noong sa buong mundo ay walang makatulong na mas malaking mga bansa, mas powerful na bansa, ang Pilipinas na napakaliit at tayo ay sakop pa ng Amerikano at that time ay may nagawa at nakatulong tayo," ani Bagatsing.

Kasama sina Rachel Alejandro bilang Aurora Quezon, ang "Quezon's Game" ay tungkol sa pagtulong ni Quezon sa mga Hudyo na tumatakas mula sa Holocaust.