Eddie Garcia nilagyan ng pangsuporta sa leeg matapos maaksidente

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May traction o mekanismo para sa leeg na ang beteranong aktor na si Eddie Garcia matapos sumailalim sa procedure kasunod ng aksidente sa taping noong Sabado, ayon sa kaibigang si Bibeth Orteza.

Ayon kay Orteza, nilagyan ng traction si Garcia para mapa-steady ang leeg ng aktor. 

Nagtamo ng severe cervical fracture si Garcia matapos bumagsak sa taping ng bago niyang TV show noong Sabado sa Maynila.

Ginagamit din ang traction para sa mga neck injury para maibsan ang pressure sa ulo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nauna nang sinabi ng doktor ng pamilya ni Garcia at ng kaniyang partner na si Lilibeth Romero na taliwas sa mga haka-haka, hindi inatake sa puso ang 90 anyos na aktor.

Ayaw pa ring magbigay ng detalye ni Romero, na umapela sa publikong bigyan muna ng privacy ang kanilang pamilya.

Iginiit din ng Makati Medical Center, kung saan naka-confine si Garcia, na hindi pa sila makapagbibigay ng medical bulletin.

Nirerespeto raw ng ospital ang karapatan ng pasyente at kaniyang pamilya sa privacy at confidentiality.

Nauna nang sinabi ng GMA-7, ang TV station na kinabibilangan ng programa kung saan nagte-taping si Garcia, na pinag-aaralan na nila ang kumakalat na video kung saan makikita ang tila'y pagkakadapa ni Garcia matapos mapatid umano ang paa sa isang kable habang nagte-taping.

Ipinagdarasal din umano ng network ang paggaling ng aktor.

Bumuhos naman ang dasal para kay Garcia mula sa mga politika at kasamahan sa industriya ng show business. -- Ulat nina Mario Dumaual at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.