Ex-'PBB' housemate na nagbitiw ng rape joke humingi ng tawad

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 04:57 PM | Updated as of Jun 06 2019 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humingi ng tawad sa publiko ang dating "Pinoy Big Brother" housemate na napatalsik sa programa matapos itong magbitiw ng biro ukol sa rape o panggagahasa.

Sa panayam noong Miyerkoles ng ABS-CBN News, ipinaliwanag ni Banjo Dangalan na ginusto lamang niyang mapasaya ang mga kasama sa "Bahay ni Kuya" kaya binitiwan ang biro.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Sa mga taong nasaktan ko po sa labas [ng bahay] humingi po ako ng tawad," sabi ni Dangalan.

"Hindi ko po intensiyong manakit ng kapwa, gusto ko lamang pong magpasaya and pasensiya po kung nasobrahan lang po talaga," dagdag niya.

Pakiramdam daw kasi ni Dangalan ay "napakaseryoso" ng kaniyang mga kasama sa bahay.

"Nalimutan ko pong pinapanood po pala kami kasi pag nasa loob ka ng bahay, hindi mo na naiisip iyon eh," aniya.

Nangyari ang insidente habang kumakain ng agahan ang mga housemate. Sinabi ni Dangalan na "pagsasamantahalan" niya ang kapuwa housemate na si Gino Roque IV, bagay na hindi ikinatuwa ng ibang housemate, lalo iyong mga babae.

Naging mitsa ang insidente para mapatawan ng forced eviction si Dangalan, na binansagang "Funny Fighter ng Quezon City" nang pumasok ng bahay.

Sumasailalim ngayon si Dangalan sa therapy sessions bago tuluyang lumabas sa "Bahay ni Kuya."-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.