Sylvia Sanchez at Joey Marquez, binigyang diin ang mga positibong bagay na bunga ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 12:09 PM

MANILA — “Minsan tingnan din natin 'yung positive.” Ito ang payo nina Joey Marquez at Sylvia Sanchez ngayong nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at ibang mga probinsiya.

Sa online show na “Pamilya Kowentuhan,” ibinahagi nina Sanchez at Marquez, parehong bida ng seryeng “Pamilya Ko” na may mga positibo ring naidulot ang lockdown.

Ani Marquez, isa rito ay ang oras na nakakasama natin ang ating pamilya at mga mahal sa buhay.

“Maganda rin pala 'yung nangyayari sa atin ngayon dahil nagsasama-sama tayong mga pamilya natin. Ang mindset natin, ang isip natin ay negative lang. Minsan tingnan din natin 'yung positive,” ani Marquez.

“Kasi ngayon negative talaga 'yung nangyayari sa buhay natin, masama talaga, COVID-19, mayroon pa tayong pinagdadaanan sa ABS-CBN, hindi ba? Ibig kong sabihin matuto rin tayo mag-isip na kapag nalulungkot tayo at halos umiiyak na tayo ay bawiin natin. Magpakasaya tayo, kaya natin 'yon. Kapag natapos itong lahat mayroon at mayroong positive na mangyayari nito. Magiging okay din tayong lahat later on,” pahayag naman ni Sanchez.

Hirit pa ni Marquez: “May kasabihan nga tayo, gaano kalaki man ang problema mo ay mas malaki ang Diyos mo. Kaya I pray for all of you, for all the Filipinos and I also pray for our network.”

Kuwento ni Sanchez, nagdarasal sila ng kanyang pamilya ng rosaryo tuwing gabi. Aniya, pagkatapos nito ay magkukuwentuhan na sila ng kanyang pamilya.

Makipagkulitan naman sa kanyang mga anak ang hilig na ginagawa ni Marquez. Ayon pa sa aktor, araw-araw ay kailangang may comedy sa kanilang bahay.
 

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.