Kim Chiu, itinangging sumayaw siya ng ‘Bawal Lumabas’ sa gitna ng EDSA

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 11:55 AM | Updated as of Jun 03 2020 02:24 PM

MANILA — “Fake news.” Ito ang reaksiyon ni Kim Chiu sa ‘di umano’y kumakalat na video nang pagsayaw niya ng “Bawal Lumabas” sa gitna ng traffic sa EDSA nitong Lunes.

Sa Instagram nitong Miyerkoles, iginiit ni Kim na hindi siya sumayaw sa EDSA, lalo’t malaki ang takot niya.

Paliwanag ni Kim, sa parking lot ng isang restaurant kinunan ang video kung saan kita siyang sumasayaw. Ito ang video na inilabas ng kaibigan niyang si Angelica Panganiban sa Instagram Story nitong Lunes.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Kim Chiu 🌸 (@chinitaprincess) on

“And sa nagpapakalat ng fake news na sa EDSA ako sumayaw, Hello?!!! Okay ka lang??? Bakit ako sasayaw sa gitna ng EDSA. Takot ko lang. Diyos ko. Please stop spreading fake news. Please lang," she said.

Tagging Angelica Panganiban, sinabi pa niya: "Sa EDSA daw 'yung parking lot ng Tipsy Pig? Kaya pa ba? Ikaw na nag-deliver ng merchandise, ikaw pa pagbinintangan ng fake news. Hay... life... Hindi po biro magbenta ng merch, first time kong ginawa to pero okay lang I know this is for a good cause. Let’s spread love not hate. COVID ang kalaban natin. Hindi ang kapwa tao."

Kinumpirma ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkoles na iniimbestigahan nito ang video ng umano'y pagsasayaw ni Kim sa gitna ng traffic sa EDSA. 

“We will verify if this video of the actress really happened in EDSA. If it did, We will summon/invite her to explain her side and from there we will act accordingly," ani MMDA spokesperson Celine Pialago sa text message. 

"Marami po tayong problema na kailangan pong unahin at pagtuunan ng pansin kaya po sa ngayon ito po muna ang reaksyon ng aming opisina sa issue," dagdag niya. 

Matatandaang hango ang kantang "Bawal Lumabas" ni Chiu sa kaniyang pahayag ng pagsuporta para sa prangkisa ng ABS-CBN Corp. Nag-viral ang komento ng aktres dahil hindi maintindihan ng ilang kritiko.