Karla, may hiling sa anak na si Daniel tungkol sa pag-aasawa

ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sino ba namang magulang ang ayaw matunghayan ang kasal ng kanilang anak?

Pero si Karla Estrada, hiniling sa anak na si Daniel Padilla na huwag muna itong magpakasal hangga't hindi tumutuntong sa edad 35 hanggang 40 anyos.

"Kumbaga matibay na ang pananaw nila sa pag-aalaga ng mga anak," paliwanag ni Estrada sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa hiwalay namang panayam, ibinahagi ng 23 anyos na "Teen King" na nag-usap na sila ng ina hinggil sa edad ng pagpapakasal.

"Ayoko rin naman nang masyadong late. Gusto ko, very perfect timing ang gusto ko," ani Padilla.

Nitong buwan lang ay nangako si Padilla sa ina sa programang "Magandang Buhay" na matagal-tagal pa bago maging lola si Estrada.

Bukod sa kasal, hiniling din ni Estrada kay Padilla na bumalik ito sa pag-aaral sa kabila ng magandang takbo ng karera sa show business.

"Noong time ko, hirap na hirap akong grumadweyt. Hindi ka basta-basta makaka-graduate 'di ba 'pag may kulang kang babayarin," ani Estrada.

Ayon naman kay Padilla, pangarap niya talagang ipagpatuloy ang pag-aaral.

"Gusto ko rin 'yon, yes, dream ko namang makapag-aral ng college sa isang university talaga. Talagang kahit mga kaibigan ko, may inggit factor din ng college life," aniya.

Sa ngayon, abala si Estrada sa pag-shoot ng pelikulang "Familia Blandina" na sinusundan ang kuwento ng mga half-Pinoy na batang lumaki sa ibang bansa.

Makakasama ni Estrada sa pelikula sina Marco Gallo at Xia Vigor.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.