'Tapos na ang panahon ng pagdurusa': Vice Ganda, may pangako sa ina

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 12:04 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by JoseMarieViceral / Vice Ganda (@praybeytbenjamin) on

MANILA -- "Isinusumpa ko, tatanda siyang maginhawa." 

Ito ang matinding pangakong binitiwan ng "It's Showtime" host na si Vice Ganda para sa kanyang inang si Rosario Viceral.

Sa Instagram, ibinahagi ni Vice ang retrato ng kanyang ina sa business class seat ng isang eroplano habang pauwi sila mula sa kanyang ginawang tour sa Amerika at Canada.

Sa caption, nagbalik-tanaw si Vice sa hirap at sakripisyo ng kanyang ina sa tuwing isasama siya nito saan man magpunta.
 
"Pauwi na kami galing ng Amerika at Canada. Naaalala ko pa noong bata pa ako, lagi akong bitbit ng Nanay ko kung saan man sya pupunta. Kung kayang lakarin maglalakad lang kami. Kung di naman magta-tricycle kami o sasakay ng jeep. At tuwing sasakay kami ng tricycle o ng jeep lagi nya akong kinakandong. 'Yun ay para isa lang ang bayad. Kasi nga kapos sa pera. Mainit, masikip at masakit sa binti. Kawawa. Pero tinitiis niya 'yun. Pero masaya din naman siguro siya kasi nakayakap lang siya sa bunso niyang si Tutoy habang bumabyahe," ani Vice na idinagdag na bata pa lang ay alam na niya na hindi madali ang buhay. 

At dahil sa mga hirap na pinagdaanan, nagsumikap si Vice at ginawa ang lahat para guminhawa ang kanilang buhay.

"Malinaw sa isip ko bata pa lang ako na hindi madali ang buhay namin. Kaya nagsumikap ako. Nagsakripisyo. Nag-ipon. 'Di ko pinalampas ang mga pagkakataon," ani Vice.

At ngayon, pangako ni Vice na gagawin ang lahat para maging kumportable ang kanyang ina.
 
"Gumastos man ako ng malaki sisiguraduhin kong komportable ang Nanay ko. Walang ngalay. Walang ngawit. Walang init. Hanggang sa huling sentimo ng naipon ko gugugulin ko sa Nanay ko. Tapos na ang mga panahon ng pagdurusa nya. Isinusumpa ko tatanda siyang maginhawa," ani Vice.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.