'Maybe it's not possible for me': Bea Alonzo, nag-alinlangan sa kasal

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 05:00 PM | Updated as of May 17 2018 10:51 AM

Nakabihis pangkasal si Bea Alonzo para sa shoot ng teleseryeng "A Love To Last" na umere noong nakaraang taon. Nakatambal ng aktres sa serye si Ian Veneracion. Screenshot mula sa Instagram ni Alonzo

Halos hindi na mabilang ni Bea Alonzo kung ilang beses siyang gumanap ng karakter sa teleserye o pelikula na ikinasal.

Sa panayam ng programang "Tonight With Boy Abunda," ibinahagi ni Alonzo, 30, na sa mga pagganap niyang ito siya nakakuha ng kaalaman hinggil sa seremonya.

"Inisip ko talaga no'n, 'My God, ang hirap palang ikasal sa totoong buhay ang init, ang sakit ng paa ko, ang tagal buong araw naming ginagawa,'" kuwento ni Alonzo.

"Habang tumatagal parang unti-unti na natuturing ko na siya na parang totoong weddings," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inamin din ng aktres na dumating siya sa puntong pinagdudahan niyang ikakasal siya.

"There was a time pa nga I didn't believe in... hindi naman I didn't believe, parang naisip ko na maybe it's not possible for me," sabi ng aktres.

Naging mitsa pa umano ito para magtampo sa kaniya ang kaniyang ina.

"Tapos nasabi ko sa nanay ko and then grabe! Breakdown si mama," kuwento ni Alonzo. "Sabi ko, 'Hindi ma, hindi ako ikakasal.'"

"Walk out siya, nasa bahay kami no'n. Walk out talaga siya. Galit na galit siya," aniya.

Pero ngayon ay tila bukas na si Alonzo sa ideya ng kasal at ibinahagi pa ang kaniyang dream wedding.

"Destination wedding pa rin siya but I don't know where. Probably, siyempre pangarap mo Italy or ano, somewhere romantic. Baka in a yard or in a garden or by the lake," ani Alonzo.

Minsan nang sinabi ni Alonzo na nais niyang ikasal sa Hawaii, gaya ng isang cliff wedding na natunghayan niya noong bumisita siya sa naturang estado ng Amerika.

Ibinunyag din ni Alonzo sa parehong panayam na nasa proseso sila ni Gerald Anderson ng pag-aayos ng kanilang relasyon.

Kasunod ito ng pag-amin ni Alonzo na "technically single" siya matapos tanungin ng ABS-CBN News hinggil sa estado ng kanilang relasyon ni Anderson.

Kasalukuyang abala si Alonzo sa pag-promote ng pelikulang "Kasal," kung saan kasama niya sina Derek Ramsay at Paulo Avelino.

Mapapanood ang "Kasal" sa mga sinehan simula Mayo 16.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.