'PGT' winner Kristel, nagkuwento sa pagiging ina

ABS-CBN News

Posted at May 13 2018 06:02 PM

Maraming damdamin ang naantig ni "Pilipinas Got Talent" grand winner Kristel de Catalina noong una pa lang siyang nagtanghal sa audition round ng naturang talent search.

Kadikit kasi ng kaniyang mga kahanga-kahangang spiral pole dance routine ang kaniyang kuwento bilang single mother sa isang pitong taong gulang na anak.

Ibinahagi nitong Linggo ni De Catalina ang kaniyang kuwento bilang ina sa Mother's Day special ng "TLC" segment ng "ASAP."

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtrabaho si De Catalina bilang interior design consultant nang makapagtapos ng kolehiyo pero makalipas ang dalawang taon, bumalik siya sa pagiging mananayaw at miyembro Airdance Company.

"May nag-trigger sa'kin na finally ko nang magsayaw ulit," kuwento ni De Catalina.

Noong mga panahong iyon, nakilala rin niya ang lalaking magiging ama ng kaniyang anak, na isa ring mananayaw.

"Nakilala ko itong isang guy na 'to na nahumaling yata ako sa pagsasayaw niya kasi ang galing niya," ani De Catalina.

Subalit mabilis din siya nitong iniwan nang ibunyag ni De Catalina na nagdadalantao siya.

"No'ng natuklasan kong buntis ako, sinabi ko sa kaniya pero no'ng nalaman niya, sabi niya hindi raw kaniya," aniya.

Ang karanasang iyon ang nagturo kay De Catalina upang maging matatag para sa kaniyang anak.

Nang maisilang niya ang kaniyang anak na lalaki, mistulang lumipas umano ang lahat ng paghihirap na dinanas ni De Catalina.

"Ang sarap ng feeling na makita 'yong anak mo sa unang pagkakataon na para bang lahat ng pinagdaanan ko noon, nabura," aniya.

"Binigyan ng Panginoon ng bagong pag-asa, buhay, at direksiyon para ialay ang buhay ko para sa kaniya," dagdag ng isang maluha-luhang De Catalina.

Ang kaniyang anak din ang nagsilbing inspirasyon para sumali siya sa "Pilipinas Got Talent."

"Naisip ko unang-una sa lahat, ang anak ko, na kapag nanalo ako, may pang-aral na ako sa kaniya," sabi niya.

Nauna nang sinabi ni De Catalina, sa isang panayam matapos hiranging kampeon ng talent search, na ilalaan niya sa pag-aaral ng anak ang P2 milyon premyo.

Mensahe ni De Catalina sa kaniyang anak: "Balang araw, alam ko 'pag napanood mo lahat ng video ko, lahat ng sayaw ko, 'yong mga performance ko sa PGT and lahat ng ginawa ko, para sa iyo, anak. Sana maging proud ka kay mommy dahil lahat ng ito, ikaw ang inspirasyon ko."

Handog nina Erik Santos, Kyla, at Angeline Quinto ang awiting "'Wag Ka Nang Umiyak" para kay De Catalina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.