Kumpirmado: Bea, Gerald, hiwalay na

ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 06:34 PM | Updated as of May 09 2018 12:44 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinumpirma ni Bea Alonzo na single siya sa ngayon. Ito'y sa gitna ng mga intriga tungkol sa estado ng kanilang relasyon ng aktor na si Gerald Anderson.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Alonzo at sa kaniyang mga "Kasal" co-star na sina Derek Ramsay at Paulo Avelino, tinanong ang 30 anyos na aktres kung sila pa ni Anderson.

"Hindi sa ngayon," sagot ng aktres.

Nang tanungin kung single ba siya ulit, sabi ni Alonzo: "Technically, but of course we're talking, we're okay."

Humirit si Avelino na tila magulo umano ang situwasyon ni Alonzo kaya sumagot ang aktres: "Magulo talaga kaya huwag niyo intindihin. Bakit ba? Akin 'yon eh."

Sa episode ng "Magandang Buhay" na umere nitong Martes, sinorpresa ni Anderson si Alonzo sa pamamagitan ng isang sulat, kung saan binati siya ng 29 anyos na "Pinoy Big Brother" alumnus sa nalalapit na pagpapalabas ng "Kasal."

Ayon kay Anderson, palagi lang siyang nariyan para sa aktres na kaniyang "teenage crush" at itinuturing na idolo.

Inamin ni Anderson noong nakaraang buwan na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Alonzo, dahilan para i-unfollow umano siya ng aktres sa Instagram.

Unang iniugnay sina Anderson at Alonzo noong 2010 pero kalaunan ay naghiwalay rin.

Makalipas ang anim na taon ay nagsimula uling mag-date ang dalawa matapos magtambal sa pelikulang "How To Be Yours."

Mapapanood ang "Kasal" simula Mayo 16. 

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.